Monday, June 14, 2010

Sa Jeep

ni Jose Carlo A. Soriano

Pilipinas ba ‘ka mo?


Ahh. Hindi, ngayon hindi ako magsusulat tungkol sa white sand beaches ng Boracay, mga forest-forest na ‘yan ng Palawan, ‘yong Ifugao Rice Terraces o Chocolate Hills of Bohol, o kung anu-ano pa.

Hindi ko isusulat ‘yong tungkol sa mga magagaling na Pilipino tulad ni Dr. Jose Rizal, ‘yong kinagigiliwan ng marami na si Manny Pacquiao, o ‘yong Pilipinong CNN awardee.

Kung nais mong makilala ang malayang Pilipinas, sasamahan kita sa isang pasada sa loob ng isang Jeepney.

Pero teka, papayuhan kita. Kung mayamang (maarteng) class A class B Pilipino ka, o di kaya’y isang “Foreyndyer” (f
oreigner) na nagkataong marunong magbasa ng tagalog, iwan mo muna ang anumang kaartehan bago pumasok ng dyip. Mausok sa daan, hindi aircon, masikip sa loob, at mabilis magpatakbo ang drayber. Kadalasan, tunay na Pilipino ang mga sumasakay dito.

Pero h’wag kang mandiri, malaki ang tsansang Pilipino ka rin na nagbabasa nito. Sakay lang at ipapakita ko sa’yo ang Malayang Pilipinas. Ano, nakasakay ka na?

Ayan. Hanap ka ng upuan. Baka nga lang medyo masikip. Masikip nga, singit ka na lang kung may maliit na puwang. H’wag na maarte. O diba? Uusog naman sila para sa’yo. Kung babae ka nakasisigurong may lalaki na iuusog ‘yong pwet niya palabas ng upuan para makaupo ka ng maayos. Kung matandang babae ka, malamang may lalaking aalis pa sa kanyang upuan at sasabit na lang sa labas para makaupo ka. Kung lalaki ka at wala nang maupuan, mas magandang sumabit ka na lang din. Dito sa malayang Pilipinas, buhay pa rin ang respeto sa mga kababaihan, at respeto sa matatanda.

Nagsimula na ang biyahe. Pasensya na sa maingay na makina ng Dyip. Naamoy mo na ba ang usok sa daan? Titigan mo ang mga kasama mong nakaupo. Marami sa kanila papunta sa trabaho o papasok sa eskwela. Sila ang mga malalayang Pilipino. Matanda, bata, nakaligo ng maayos o gusgusin man, lahat tayo nandito sa isang jeep, dadalawang mahabang upuan lamang. Ganito kasi tayong mga Pilipi
no, tuwing Piyesta salu-salo, tuwing may sakuna nagtutulungan, tuwing pupunta sa isang lugar, sama-sama.

Nako nagpatugtog ng malakas na radyo si Manong Drayber. Mga “tunog Jeepney” kadalasang tinatawag ng mga tao. Kadalasan pilipinong rap music. Sasabihin ng mga edukado, mabababaw at kalokohan ang liriko. Sasabihin ko sa’yo h’wag ka maging mayabang tulad nila. Ang mga lirikong ito ang boses ng mga Pilipinong hindi naririnig ng mga edukadong tao sa itaas. “Upuan” ni Gloc 9, “Wala” ng Kamikazee. Mga tunog na isinisigaw, sayang nga lang at hindi naririnig ng mga pulitiko, palibhasa hindi sila sumasakay sa Jeep. Madalas, tunay na Pilipino kasi ang sumasakay dito. Oo, minsan nga kalokohan tulad ng “Banana” na iginaya sa “Right Now” ni Akon. Mapagbiro ang karaniwang Pilipino, tumatawa sa gitna ng kahirapan, nakangiti sa gitna ng sakuna. Hindi sila baliw, mahal lang sila ng Diyos.

O, h’wag mong kalimutan magbayad ha. Dali, ilabas mo na pambayad mo, mura lang naman. Nako mahirap nga pala dumukot sa bulsa kasi masikip, tiyagain mo na. Ayan, sabihin mo “Bayad po” at iabot mo. H’wag ka magugulat kung may kukuha ng pera. Ipapasa-pasa nila ito hanggang makarating sa drayber. Walang magnanakaw niyan, anong tingin mo sa Pilipino? Dito sa loob ng Jeep, hindi tayo kanya-kanya ng buhay tulad ng mga bus sa Amerika. Komunidad tayo kahit sa pag-abot lang ng bayad.


Aba, h’wag kang tumingin lang sa loob, tumingin ka sa labas ng bintana. Ang sarap ng hangin. Dito mo lang sa Jeep mararanasan ang ganitong hangin. Bigla kang nagsawa sa sarado mong kotse at artipisyal mong Aircon, no? Pumikit ka at damdamin mo ang hangin ng Pilipinas na humalahalik sa’yong mukha. Ang ginhawa. Ngayon buksan mo ang mata mo. Sa labas, may bangketa, may taong grasang nakahiga. Aakalain mong patay na. Madumi. Kawawa. Nasa ilalim ng Waiting Shed na ginawa ni Governor Kurakot. Ang laki ng piktyur at pangalan niya. Sinisigurado lang na iboto mo siya ulit. Sabi rin noong taong grasa iboto mo siya ulit, sapagkat dahil kay Gov. Kurakot may nahihigaan siya. Sayang nga lang ‘di siya nakita ni Gov. Kurakot, ang pagkain ang kulang niya, hindi ‘yong ang tila pinagkagastusang waiting shed na may malaking pangalan at piktyur ng gobernador. Maganda talagang makasakay din sa dyip ang mga pulitiko, maraming matututunan dito.

Ano’ng sabi mo? Grabe talaga ‘yang gobernador na ‘yan? Ha ha. ‘Di naman. Hindi siya ang sagot. Tingnan mo ulit ang mga nakasakay dito sa jeep. May natutulog. May mukhang pagod. May mga tinedyer na naka-uniporme papasok sa eskwela. Ikaw. Ako. ‘Yong mga nakasabit sa labas. Si Manong Drayber. Ang konduktor na walang pagod na sumisigaw. Kung bibilangin, lampas bente-kwatro tayo dito sa loob ng Jeep. Mga Malalayang Pilipino. Binigyan ng kalayaan ng mga bayaning nakipaglaban para sa masarap na buhay. Para sa buhay natin. Iniisip nila na balang araw ang Lupang sinilangan nila, na kinatuwaan nila, kinalakihan, kung saan sila naglaro noong bata sila, lupang minahal nila, ay magiging maganda rin para sa pag-ibig natin. Para mahalin din natin. Tulungan, huwag iwanan.

Hindi iisang tao ang nakapagbigay ng Kalayaan ng Pilipinas. Hindi si Jose Rizal lang, hindi si Andres Bonifacio lang. Isang buong henerasyon ang nagtulung-tulungan at nagbigay-kalayaan sa atin mula sa mga dayuhan.

At gayon din ngayon. Hindi iyong Gobernador mo, iyong Mayor mo, ni hindi rin iyong Presidente mo lang ang makapagpapalaya doon sa taong grasang nakita mo.

Ano’ng makakapagpalaya sa kanya? Ito kasi ang isinigaw ng henerasyon noong ika-12 ng Hunyo, 1898.

Ano ang makakapagpapalaya sa taong grasang ‘yon? Ito ang isinigaw nilang sagot...

Isang Bayang Magiliw. Tunay na Perlas ng Silangan. Na may Alab ng Puso, na sa Dibdib ng bawat henerasyo’y Buhay.

________________________________

Si Jose Carlo A. Soriano (4 BS MIS) o JC ay ang kasalukuyang Spiritual Officer at Assistant Cell leader ng seldang Kaingin Uno Block Six sa AtSCA.

No comments:

Post a Comment