Monday, June 14, 2010

Gravity

ni Joan Arceo

Sabi nga ni John Mayer, “…gravity wants to bring me down.”

Ayon sa National Statistics Office, mayroon lamang 8,455 na paaralan sa Pilipinas para sa 38,903,125 na high school students noong S.Y. ’07-’08. Kung anong dami naman ng estudyante ay siyang kaunti naman ng classrooms, kaya’t kinakailangang gawing dalawa hanggang apat na shifts ang mga klase sa maraming pampublikong paaralan – kung saan mayroong 70 hanggang 80 na estudyante ang magsasabay-sabay sa isang shift. Limang taon nang walang paaralang elementarya ang 267 na barangay sa bansa. Kulang sa classrooms, pasilidad, upuan, libro, study materials; at tila kailangan mo munang problemahin ang pakikipag-Trip-to-Jerusalem bago ka makapakinig nang maayos sa mga bagong leksiyon. Hindi ka rin makakaasa na gumagamit ng powerpoints o kung anu-ano pang AVP ang guro dahil 20% lamang ng populasyon ang marunong gumamit ng computer. Maliit lang ang sahod ng mga guro – higit kumulang P10,933 hanggang P12,997 lamang kada buwan – kung kaya’t karamihan ay nag-aabroad na lamang. May libreng libro nga mula sa gobyerno pero hindi ka naman sigurado sa kalidad ng mga nakasulat dito. Tinatayang may 27,924,770 na estudyante sa elementary noong 2005; 18,903,125 lamang ang nakapag-high school, at 6,685,949 lamang sa kanila ang nakatapak sa kolehiyo. Makagraduate man ay hindi siguradong tutugma ang magiging trabaho mo sa kung anuman ang tinapos mo dahil sa kakulangan din ng trabaho, kaya parang nakakawalang gana na rin ang magpakadalubhasa.

Kung pagbabago rin lang ang pag-uusapan, mukhang malaki-laking gravity ang kailangan mong lundagin.

Matagal nang malaking isyu ang kalugmukan ng sistema at kalidad ng edukasyon sa bansa. Sa puntong ito ay hindi ko na kailangang dikdikin pa para himayin ang kung anupaman ang natitira dito upang ipaliwanag. Hinimay na ito ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan, mga NGOs, at pati narin ng ilang malalaking unibersidad. Sinubukan na itong lutasin sa pamamagitan ng Presidential Task Force on Education at ang pagdadagdag nito ng isa pang taon sa kolehiyo; inilunsad ang mga training programs upang isulong ang teknikal na industriya sa bansa tulad ng pagkakarpintero at pagwewelding; nagpamigay narin ng libu-libong scholarships para sa mga maralita. Lahat-lahat na. Ngunit sa halip na makausad ay kung anu-anong kritiko parin ang ipinantuligsa sa mga ito. Kesyo cinocommodify lang daw ang edukasyon o kaya’y lalong pinapalayo lang ang pagitan ng mga mayayama’t mahihirap. Gasgas na gasgas na sa gravity ang mga isyu ng edukasyon sa bansa. Ngunit sa dulo ng lahat ng ito, may nabago nga ba sa kalagayan ng edukasyong Pilipino?

Nakakalungkot,oo. Pero may iilang mga indibidwal parin na bumangon at hinarap ang agos ng gravity… at hinamon ito. Sila ang mga taong hindi nawalan ng pag-asa sa gitna ng lahat ng kalugmukan, at kahit na paulit-ulit pa silang hatakin pababa ng mga problemang tulad ng kawalan ng pondo o suporta mula sa gobyerno, nariyan parin silang patuloy na pinapaangat ang kalidad ng edukasyon sa bansa.

Nariyan si Efren Penaflorida at ang kaniyang Dynamic Teen Company, na naglalayong ilayo ang kabataang Pilipino mula sa mga kalsada at bigyan sila ng pagkakataong matamasa ang edukasyong para sa lahat. 16 years old lamang si Efren nang sinimulan niya ito kasama ang ilan sa mga kaklase niya, at noong Marso 2009 ay pinangaralan siyang CNN Hero of the Year para sa proyektong ito. Sa kasalukuyan ay ipinagpapatuloy niya ang kaniyang adhikain gamit ang napanalunan niyang $100,000.

If a child grows up… without getting this opportunity to be able to have quality education, I think the future isn’t going to be too bright for him or her. And it is not his fault.” Ito naman ang prinsipyong pinangatawanan ni Harvey Keh nang sinimulan niya ang Pathways to Higher Education, Alay ni Ignacio, at Kaya Natin. Gamit ang lakas at libog ng mga kabataang may kakayahang magturo at mamuno ay nakagawa siya ng isang sistematikong pagtugon sa pangangailangan ng karagdagang paghasa sa mga public high school students para sa hamon ng kolehiyo. Maliban sa pagbibigay ng pag-asa sa mga maralitang high school students ay nabibigyan din ng pagkakataon ang mga kolehiyalong volunteers na mahasa sa larangan ng pagtuturo o sa pagkadalubhasa sa kani-kanilang mga kurso.

Iilan man ang nakakakilala kay Julius, isang 3rd year public high school student sa Baguio City, sikat na sikat naman siya sa mga kamag-aral niya dahil sa sinimulan niyang tutorial program para sa ACET at UPCAT etong mga nakaraang buwan. Dahil sa pagkakakilala nila sa kakulangan ng kanilang kasanayan at pati narin ang kawalan ng mga taong makakatulong sa kanila para sa mga parating na entrance exam, siya mismo ang nagtipon sa mga pinakamahuhusay niyang kaklase at naglunsad ng sarili nilang libreng tutorial program.

Sa mga simpleng paraan ni “Kuya Jesse”, isang 4th year student ng BS CoE sa Ateneo na boluntaryo ng ANI bilang guro ng Physics, naipadama niya sa kaniyang mga estudyante ang pakiramdam ng pagkakaroon ng ikalawang tatay. Bagamat isa’t kalahating oras lamang ang nakalaan para sa klase niya, linulubos lubos naman niya pati pa ang lunch time at dismissal para lang ipaintindi sa mga estudyante ang Newton’s Laws at Projectile Motion. Ni minsan hindi rin siya nawala sa mga aktibidad ng mga estudyante niya gaya ng Sportsfest, Play-Making, Pisiklaban, at kung anu-ano pa. Isang martir na stage father, kung tawagin ng mga kasamahan. Ang malalim na pakikisama niya sa mga naging estudyante niya ay sinuklian nila ng malalim na pagtitiwala para sa kanilang edukasyon, at pati narin ng kanilang mga pangarap.

“Be the change you want to see in the world,” ika nga. Ang mga kuwento nina Efren, Harvey, Julius at Jesse ang nagbibigay-buhay sa mga katagang ito na ilang libong taon na ang nakalipas ngunit hindi parin nawawalan ng katotohanan. Pagbabago – mailap man ngunit kahit kailan ay hindi tayo sumuko. Sa pagdaloy ng gravity ng panahon, palaging mayroong pag-asa na mabago kung anuman ang nariyan na. Ngunit hindi maaaring nakikisabay na lamang tayo sa hatak ng agos sa lahat ng pagkakataon, kailangang malay ang pagsuong natin dito upang kung kinakailangang salungatin natin ang agos, handa tayo.

At nang sa gayo’y hindi lang puro pababa ang hatak.

____________________________

Si Joan Arceo (3 BS Mgt) ang kasalukuyang Cell Leader ng seldang Kaingin Uno Block Four ng AtSCA.

No comments:

Post a Comment